MANILA, Philippines — Dapat ituloy ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang imbestigasyon ng Senado sa diumano’y disinformation campaign patungkol sa West Philippine Sea na pinopondohan ng isang dayuhang bansa.
Ito ang hiling ng grupong Kilos Pinoy Para Sa Pagbabago, sa pagsasabing panahon na para imbestigahan ang disinformation campaign dahil lumalala ang mga balitang ipinapakalat ng Tsina laban sa Pilipinas.
“Dehado at talo tayo sa kwento ng Tsina laban sa atin. Mukhang may mga pinopondohang bloggers ang Tsina sa Pilipinas para wasakin tayo”, anang grupo.
Una nang sinabi ni Estrada, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security na pawang kasinungalingan ang iniulat na disinformation campaign ng mga opisyal ng gobyerno, media outlets at maritime experts, maging ang mga pagtatangka diumano na ilihis ang atensyon ng publiko sa marahas na aksyon ng China at ituon sa umano’y militarization ng Vietnam sa WPS.
“Habang ang defense department ay patuloy na nagmo-monitor at sinasalungat ang mga maling salaysay tungkol sa West Philippine Sea, ang kampanya laban sa fake news ay nangangailangan ng matibay na diskarte ng gobyerno at pakikilahok at edukasyon ng mamamayan para masiguro ang epektibong hakbang na gagawin natin,” ani Estrada