MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Police Major General Rommel Francisco Marbil bilang 30th Chief ng Philippine National Police (PNP).
Pinalitan ni Marbil si Police General Benjamin Acorda Jr. na nagretiro nitong Marso 31, 2024 dahil sa mandatory age requirement na 56.
Si Marbil, 55, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1991 ay itinalaga bilang PNP Chief ni Pangulong Marcos epektibo Abril 1, 2024.
Ang appointment ni Marbil ay inianunsiyo sa ginanap na change of command at retirement honors para kay Acorda sa Camp Crame, Quezon City.
Bago ang appointment bilang PNP Chief, si Marbil ay pinuno ng Directorate for Comptrollership at nagsilbi rin Regional Director ng Police Regional Office 8 (PRO-8) at Director ng Highway Patrol Group (HPG).
Una rito ay itinalaga bilang officer in-charge ng PNP si Police Lt. Gen. Emmanuel B. Peralta.