MANILA, Philippines — Muling ipinamalas ng ACT-Agri-Kaagapay Organization sa pamumuno ni Ms. Virginia Ledesma Rodriguez ang malasakit at pagkalinga sa kapwa makaraang mamigay ng pagkain at mineral water nitong Semana Santa sa libu-libong Pilipino.
Unang namigay ang grupo ni Rodriguez sa mga namamanatang Pilipino at nagsasagawa ng Visita Iglesia sa Simbahan ng Balut at Gagalangin sa Tondo noong Huwebes Santo habang sa Quiapo, Maynila at Payatas, Quezon City naman namigay noong Biyernes Santo.
Kasama ang mga lokal na lider ng ACT-Agri-Kaagapay Organization sa pangunguna ni Ronald Castillo, sa kanilang pagtulong sa mga “less fortunate” na sinabayan ng Pabasa ng Pasyon ng mga mananampalataya tuwing panahon ng Kuaresma.
Matagal ng ginagawa ni Rodriguez ang panata ng pagtulong sa kapwa hindi lamang tuwing mahal na araw, maging sa panahon ng kalamidad at trahedya tulad ng mga nagiging biktima ng sunog at bagyo ay laging una sa pagtulong ang ACT-Agri Kaagabay Organization.
Nagpapasalamat naman si Rodriguez sa kanyang grupo at mga taong nagiging bahagi ng pagsusulong ng kanyang adbokasiya na balang araw ay walang Pinoy na magugutom.