'Price ceiling' sa presyo ng isda hiniling ngayong Mahal na Araw

Fishermen unload their catch for the day at a fish port in Paranaque, Metro Manila on July 12, 2023.
AFP/Jam Sta. Rosa, File

MANILA, Philippines — Nananawagan ang isang progresibong grupo ng mangingisda sa Department of Agriculture (DA) na kontrolin ang presyo ng isda sa biglang pagsirit nito sa gitna ng Mahal na Araw.

Ilang pribadong traders na raw kasi ang nananaga ngayon dahil sa pagtaas ng demand dito ngayong Holy Week.

Aniya, 10% hanggang 20% na ang itinaas ng presyo nito ngayon pa lang, bagay na ikaaargabyado raw nang husto ng consumers.

"Bagama't sumirit ang presyo ng isda sa pamilihan, hindi ibig sabihin nito ay mataas na rin ang kuha ng produkto sa mga mangingisda," daing ni PAMALAKAYA chairperson Fernando Hicap ngayong Miyerkules.

"Halimbawa, ang presyo ng isdang galunggong sa pamilihan ay nasa P200 - P220 kada kilo, habang ang presyo ng mga ito sa mga mangingisda ay nasa P80 - P100 lamang kada kilo."

Dagdag pa ni Hicap, nangyayari ito dahil nananatiling pribadong komersyante ang may kontrol sa presyo ng farm gate at retail. Sa ganitong siste, talong-talo aniya pareho ang mangingisda at konsyumer.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ni Rep. Wilber Lee (Agri Partylist) na dapat i-monitor ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga presyo upang matiyak na pasok ito sa range.

Narito ang kada kilong presyo ng ilang isda sa pinakahuling price monitoring ng DA nitong Martes:

  • bangus: P140 hanggang P250
  • tilapia: P110 hanggang P160
  • galunggong: P140 hanggang P300
  • alumahan: P260 hanggang P380

"Dapat obligahin ang DA na magkaroon ng konkretong hakbang para tiyaking hindi sinasamantala ng mga komersyante ang presyo ng isda sa pamilihan, sa pamamagitan man ito ng price control o pagtatakd ng price ceiling," patuloy pa ni Hicap.

Wika ng PAMALAKAYA, alinsunod sa Republic Act 7581 o Price Act ang paghiling ng "automatic price control" laban sa iligal na manipulasyon ng presyo. Pasok aniya rito ang profiteering o sobra-sobrang patong sa tunay na halaga ng mga batayang pangangailangan.

Show comments