MANILA, Philippines — Nanawagan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang iba’t ibang grupo ng transportasyon mula sa samahan ng mga taxi, tricycle, bus, traditional at airconditioned jeep, UV express at TNVS na itigil na ang expansion ng MC Taxi service sa bansa.
Ayon kay Lito Legaspi ng Nat’l Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (Nactodap) na hindi naman tutol ang mga tricycle sa operasyon ng MC Taxi Service pero hindi na dapat pang paramihin ang kanilang bilang.
“Wala naman pakialam ang mga tricycle sa operasyon ng mga pampasaherong sasakyan dahil kami ay mula sa LGU ang franchise at sila ay sa nat’l government pero lumabas na kami ngayon dahil hirap na rin kami kung dadagdagan pa ng madaming unit ang MC Taxi. Ang MC taxi ay sa bahay na ng pasahero sumusundo papuntang destinasyon hangang pagbalik sa bahay so dahil dyan malaki ang bawas sa kita namin dahil pasahero namin ay kinukuha na ng MC Taxi. Tapos plano pang padamihin ng LTFRB…sana tigilan na yan,” ayon kay Legaspi.
Sinabi naman ni Ariel Lim ng Public Transport Coalition na dapat munang pag-aralang mabuti ang planong 10,000 alokasyon sa transport network vehicle service (TNVS) maging ang planong 150K alokasyon ng motorcycle taxis sa bansa dahil oversupply na ang mga TNVS at MC taxis.
Iginiit ni Lim, na dapat munang pag-aralan o rebyuhin ang nabanggit na alokasyon dahil marami ang maaapektuhan partikular ang mga tricycle driver, truck driver, modernize minibus, courier riders, maging ang mga taxi at bus drivers.
Binigyang diin naman ni Luisa Soriano ng Metro Manila Taxi and Regional Association, na hindi solusyon ang dagdag na MC taxi sa bansa dahil mas lalo lang malulugi at mamamatay ang kanilang kabuhayan.
Anya, dahil sa pagdami ng MC Taxi operators namatay ang operasyon ng malalaking taxi company tulad ng MGE, RNE, Green Taxi at 8 Star.
Umaabot na lamang anya ngayon sa P300 hanggang P400 ang take home pay ng mga driver ng taxi at umaabot na lamang sa P700 ang boundary na kulang pa sa maintenance fee ng sasakyan.