Ayaw tantanan

Dear Dr. Love,

Sa loob ng limang taong pagsasama namin ng aking asawa, pito na ang naging anak namin.

Kasi dalawang beses akong nagsilang ng kambal. Sa unang mga anak ko at sa huli.

Lahat ng mga kapatid ko ay may isinilang din na kambal. Kahit ako ay may kakambal na namatay nang kami ay ipanganak.

Hindi kami mayaman ng mister ko pero napaka-aggresive niya.

Bago kami matulog at paggising sa umaga ay hindi ko matutulan ang pangangalabit niya.  Ikaw ba naman ang pagbantaan na hahanap siya ng ibang makakatugon sa pangangaila-ngan niya, kapag umayaw ako.

Sinabi ko sa kanya na magko-contraceptive kami pero ayaw niya. Gusto raw niya ang dalawampung anak.

Sa kagustuhan ko na maiwasaan na ako ay magbuntis muli, minsan akong nag-pills, pero natuklasan niya. Nagalit siya at pinag-awayan namin ang tungkol dun.

Ano ang gagawin ko?

Ligaya

Dear Ligaya,

Masama rin sa babae ang madalas na pagbubuntis. Marahil kung sasabihin mo sa kanya na ang panay-panay mong panga-nganak ang madadala ng panganib hindi lang sa kalusugan, kundi maging sa iyong buhay,  maaaring makumbinsi mo siyang mag-contraceptive kayo.

Hindi kasinunga-lingan ‘yon dahil totoo lalo pa’t madalas na kambal ang isinisilang mo dahil lahi n’yo. Sabihin mo nga sa kanya na siya naman ang magbuntis?

Dumaing ka at sabihing nakakaramdam ka na ng panghihina tuwing magbubuntis.

Kung hindi ka pagbibigyan, anong klaseng  asawa siya?

Mas mahalaga ba sa kanya ang kaligayahan kaysa buhay mo?

Isa pa, hindi biro ang magbuntis sa panahon ngayon na mataas na ang bilihin.

Dr. Love

Show comments