MANILA, Philippines — Inilarawan ni Pamplona Mayor Janice Degamo, biyuda ni Negros Oriental Governor Roel Degamo na “answered prayer” ang pagkaka-aresto kay dating Negros Oriental congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Timor-Leste nitong Huwebes.
“Matagal tagal kaming nagdasal at naghintay na talagang this day would come and praise God po, na talagang na-huli na talaga siya. Wala kaming mapaglagyan ng aming tuwa. We’re really happy about this development,” anang alkalde sa panayam ng Balitanghali.
Si Teves ang itinuturong mastermind sa pamamaril at pagpatay sa gobernador at siyam na iba matapos na pasukin ng mga armadong kalalakihan ang bahay nito sa Barangay San Isidro in Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4, 2023.
Nadakip si Teves ng International Criminal Police Organization’s (INTERPOL) National Central Bureau habang naglalaro ng golf. Pebrero nang maglabas ng red notice ang INTERPOL para sa posibleng pagkakaaresto sa dating mambabatas.
Ayon kay Mayor Degamo, sapat na sa kanila na makitang nakakulong si Teves at patunay lamang na para sa lahat ng nagkakasala ang piitan at hindi lamang para sa mga mahihirap.
Samantala, tiniyak naman ng Philippine National Police ang seguridad ni Teves sakaling dumating ito sa bansa. Makikipag-ugnayan sila sa Department of Justice para na rin sa mga kailangang gawin sa pagdating nito sa bansa