MANILA, Philippines — Kinasuhan ng $2-million defamation ni international fashion designer Rodolfo “Puey” Quiñones Jr. ang vlogger na si Maharlika, na ang tunay na pangalan ay Claire Contreras ng Boldyak TV, isang YouTube channel, noong Marso 1 sa Superior Court ng State of California sa Los Angeles.
Sa isang virtual press conference, sinabi ni Quiñones na ang pagsasampa niya ng kaso sa American court ay dahil umano sa mapanirang vlog ni Maharlika na may titulong “Designer na kaka-tandem ni Budol” na ibig sabihin ay sangkot sa scamming o panggagantso na nagdulot ng matinding danyos sa kanyang negosyo.
Tinukoy niya ang tahasan umanong paninira ni Maharlika na peke o counterfeit ang kanyang creations o likha, dahilan para makansela ang iba niyang business contracts at projects bilang designer.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang akusasyon ni Maharlika na ginagantso niya ang Unang Ginang at ang mga Pinoy gamit ang pekeng creations.
“These accusations have greatly impacted me, my business, my reputation, and my life,” anang Filipino designer.
Nagtataka si Quiñones kung ano ang motibo ni Maharlika at inaatake siya ng masasama at malisyosong pahayag nito gayong hindi naman sila nagkasama o magkakilala.
Hindi rin alam ni Quiñones na ngayon ay nakatira sa Los Angeles, California, kung ano ang ikinagagalit ni Maharlika sa First Family, partikular kay First Lady Atty. Liza Araneta Marcos dahil wala naman silang direktang komunikasyon.
Duda rin ang Filipino designer na ang motibo ng paninira sa kanya ni Maharlika ay dahil malapit siya sa Malakanyang.
“My lawyers have sent Ms. Contreras a cease-and desist letter demanding that she takes down her video, and retract her false statements. However, Ms. Contreras has refused our request, even though she has no first-hand knowledge of my professional ties with the First Lady,” diin ni Quiñones.
Bukod sa defamation case ay nagsampa rin siya ng criminal case laban sa vlogger sa Philippine court at sa US dahil umano sa pagsira sa kanyang reputasyon at negosyo.