First Couple tinamaan ng trangkaso

Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos
PPA Pool Photos by Yummie Dingding

MANILA, Philippines — Kinansela na ang lahat ng appointment ni ­Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. simula kahapon hanggang sa mga susunod na araw.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil ito ay dahil nagkaroon ng “flu-like symptoms o trangkaso si Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.

Nilinaw naman ni Garafil na stable ang vital signs ng Pangulo at ng Unang Ginang at pinayuhan na rin ng doktor na magpahinga muna para masiguro na mabilis ang kanilang paggaling.

“They have been taking fluids and medication to alleviate their symptoms. Currently, their vitals remain stable,” pahayag pa ng PCO.

Kabilang sa mga dadaluhan sanang event ng Pangulo na nakansela ay ang presidential luncheon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).

Si Pangulong Marcos at First Lady Liza ay dumating sa bansa noong Sabado (Marso 16) matapos ang anim na araw na working at state visits sa Germany at Czech Republic.

Matapos nito ay dumalo ang Pangulo sa ceremonial signing ng concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa Public-Private Partnership (PPP) at pinangunahan ang oath taking ng bagong promote na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Nitong Martes ay dumalo rin ang presidente sa World Economic Forum (WEF) country roundtable sa Malakanyang.

Show comments