MANILA, Philippines — Ipinadala na ng liderato ng Kamara sa Senado ang inaprubahang panukalang amyenda sa 1987 Konstitusyon o economic cha-cha at pagbawi sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nago-operate sa Sonshine Media Network International (SMNI).
Ang direktiba ay matapos ipasa nitong Miyerkules ng gabi sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) 7 o ang economic cha-cha at House Bill (HB) No. 9710 o pagbawi sa prangkisa ng SMNI na iniuugnay sa kontrobersyal na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ang RBH No. 7 ay kahalintulad ng RBH No. 6 na kasalukuyang isinasailalim sa deliberasyon ng Senado.
Layunin ng RBH 7 na amyendahan ang mga partikular na probisyon ng Konstitusyon na may kaugnayan sa public utilities, edukasyon, at advertising sa pamamagitan ng pagsingit ng “unless otherwise provided by law” upang magkaroon ng kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang limitasyon sa dayuhang pamumuhunan.
Ang HB 9170 ay nagbabasura naman sa Republic Act 11422, ang batas na nagpalawig sa prangkisa ng Swara Sug ng 25 taon. Ang prangkisa ng SMNI ay mag-e-expire sa 2044.
Ang pagbawi sa prangkisa ng SMNI ay dahil umano sa mga paglabag nito gaya ng pagpapakalat ng fake news, red-tagging, at paglabag sa mga corporate policy ng bansa.