Quiboloy pinaaaresto na ng Senado

Photo shows Kingdom of Jesus Christ founder and preacher Pastor Quiboloy.
Pastor Apollo Quiboloy Facebook Page

MANILA, Philippines — Naglabas na ng warrant of arrest ang Senado laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Inatasan ni Senate Presi­dent Juan Miguel Zubiri ang Office of the Sergeant-At-Arms na arestuhin at ikulong si Quiboloy sa kanilang tanggapan.

Sinabi ni Zubiri na pinatawan ng “contempt” si Quiboloy noong Marso 5, 2024 dahil sa paulit-ulit na pag-isnab sa pagdinig ng Senate Committee on Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros noong Enero 23, Pebrero 19, at Marso 5.

Binanggit din ni Zubiri na tanging abogado lamang ang ipinadala ni Quiboloy sa halip na personal na magpakita sa hearing.

Iniimbestigahan ng komite si Quiboloy dahil sa napaulat na paglabag sa human trafficking, rape, sexual at child abuse.

“The Sergeant-At-Arms is hereby directed to carry out and implement this Order and make a return thereof within twenty-four (24) hours from its enforcement,” nakasaad sa Order.

Samantala, binanggit din ni Zubiri na kung dadalo si Quiboloy sa susunod na hearing ay makakaiwas na ito sa contempt at hindi na kailangang arestuhin.

Ipinaliwanag ni Zubiri na hindi layunin ng order of arrest na parusahan ang isang tao kundi tiyakin na ang pagdinig ay makapangyarihan at sinusunod.

Show comments