Arrest warrant vs Quiboloy, pirmado na ng House

Photo shows Kingdom of Jesus Christ founder and preacher Pastor Quiboloy.
Pastor Apollo Quiboloy Facebook Page

MANILA, Philippines — Nakatakda nang isilbi ngayong linggo ang warrant of arrest laban sa kontro­bersiyal na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

Ito’y matapos na malagdaan ng House Executives sa pangunguna ni House Committee on Legislative Franchise Chairman at Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang warrant of arrest.

Una rito, pinatawan ng contempt ng komite ni Tambunting si Quiboloy dahil sa hindi pagsipot sa mga pagdinig upang magpaliwanag kaugnay ng isyu sa paglabag sa legislative franchise ng Swara Sug Media Corporation na nago-operate sa SMNI.

Ang contempt ayon kay Tambunting ang hudyat para isyuhan ng warrant si Quiboloy.

Nabatid na nabigo si Atty. Ferdinand Topacio na kumbinsihin si Quiboloy na lumantad sa Kamara at humarap sa paglilitis kung saan binigyan ito ng ta­ning na hanggang Biyernes (Marso 15).

Sa kasalukuyan, nakahanda na rin ang detention facility na pagkukulungan kay Quiboloy sa Kamara kung saan magiging bantay sarado ito.

Umaasa naman si Tambunting na susuko ng mapayapa si Quiboloy sa susundo ritong mga operatiba na magpapatupad ng warrant of arrest.

Samantala, pinayuhan naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro si Quiboloy na sumunod sa batas at harapin ang Kongreso at Senado.

Una nang inindorso sa plenaryo ang House Bill 9710 o ang pagtatanggal ng legislative franchise ng SMNI na nakapasa na sa ikalawang pagbasa noong Miyerkules ng gabi kung saan nakatakda na itong ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo bago ang Holy Week break ng Kongreso.

Show comments