MANILA, Philippines — Apat na sundalo ang napaslang matapos na tambangan ng mga pinaghihinalaang Dawlah Islamiyah terrorists sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur kahapon ng umaga.
Ayon kay Major Gen. Alex Rillera, commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID) at Joint Task Force (JTF) Central, maga-alas-10 ng umaga nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar sa panahon aniyang inoobserbahan ng mga Muslim ang Ramadan.
Kinondena naman ni Rillera ang insidente ng pagpatay sa apat niyang mga tauhan na wala aniya sa combat mission nang paulanan ng bala sa lugar.
“Walang kalaban laban ang mga tropa ng sundalo ng paslangin ang mga ito habang sakay sa isang sibilyan na sasakyan pabalik sa kanilang patrol base. Kinokondena natin sa pinakamataas na antas ang pagpatay sa ating tropa,” ayon sa heneral.
Hindi muna tinukoy ni Rillera ang pagkakakilanlan ng mga nasawing sundalo dahil kailangan pang impormahan muna ang kanilang mga pamilya.
Kabilang sa mga ito ay dalawang Private, isang Private First Class at isang Corporal.
Sinabi ni Rillera na galing sa kabayanan ang mga sundalo at namili ng mga pagkain para sa kanilang pa “iftar” (pagkain ng mga nag-aayuno matapos na lumubog ang araw) sa mga kapatid na Muslim sa komunidad malapit sa patrol base ng mga sundalo.
Ikinasa na ang hot purusit operation laban sa mga responsable sa krimen.