MANILA, Philippines — Maingay ang panawagan ng ilang grupo ng mga health workers para ilabas na ng Department of Health ang kabayaran sa mga health emergency allowances (HEA) ng healthworkers sa bansa.
Matatandaang noong mga nakaraang buwan ay kabi-kabilang rally ang isinasagawa ng mga grupo ng mga healthworkers upang mabayaran na sila ng DOH sa ilang buwan at taon na pagkakautang nito sa kanila.
“Ang pondo ay nasa inyo na (DOH) mula noong Enero. Ano ang dahilan kung bakit hindi ninyo naibigay ang HEA para sa mga manggagawa sa pribadong ospital?” ayon kay Ronald Richie Ignacio, tagapagsalita ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP).
Ayon sa mga dokumento at datos mula sa Department of Budget and Management (DBM), mahigit P91 billion na ang nailabas nilang pondo sa DOH para mabayaran ang HEA ng mga healthcare workers simula noong 2021.
Noong 2021, naglabas ang DBM ng 12.1 bilyong piso para mabayaran ang HEA, mahigit 28 bilyong piso noong 2022, P31.1 billion noong 2023, at P19.962 billion naman noong 2024.
Ang huling 19-bilyon ay inilabas ng DBM sa DOH noong Enero 1, 2024, maliban pa sa dalawang bilyong pisong nakalagak para sa HEA sa unprogrammed appropriations.
Nakakalungkot anya na sa kabila ng P91-bilyong inilabas na pondo ng DBM, P64-bilyon pa lamang ang naipamimigay ng DOH sa mga healthworkers.