MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act (RA) 11985 o ang Philippine Salt Industry Development Act na inaasahang magpapalakas at magpapasigla sa industriya ng asin sa Pilipinas.
Nakasaad sa bagong batas na dapat magkaroon ng angkop na teknolohiya at pananaliksik, at sapat na serbisyo sa pananalapi, produksyon, marketing at iba pang suporta para sa mga magsasaka ng asin.
Layunin din ng bagong batas na mapataas ang produksiyon ng asin at maging bagong exporter ng asin ang Pilipinas.
Ipinag-uutos din ng RA 11985 ang pagtatatag ng limang taong roadmap na naglalayong buhayin at gawing moderno ang industriya ng asin, na naaayon sa mga layunin at patuloy na pagpapatupad ng RA 8172, o An Act for Salt Iodization Nationwide.
Itatayo ang Salt Council upang matiyak ang nagkakaisa at pinagsama-samang pagpapatupad ng salt roadmap at mapabilis ang modernisasyon at industriyalisasyon ng asin sa Pilipinas.
Ang konseho ay pamumunuan ng Department of Agriculture at ng Department of Trade and Industry.