Warrant of arrest vs Quiboloy ilalabas na ng Kamara
MANILA, Philippines —Inihahanda na ng Kamara ang warrant of arrest laban sa kontrobersyal na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Una rito, binigyan ng taning na hanggang Biyernes ng House Committee on Legislative Franchises sa pamumuno ni Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting ng hanggang Biyernes (Marso 15) si Quiboloy matapos itong isyuhan ng contempt at kung hindi ay ipalalabas na ang warrant of arrest laban dito.
Ang panel ni Tambunting ang dumidinig sa paglabag sa legislative franchise ng Swara Sug Media Corporation na nago-operate sa Sonshine Media Network International (SMNI) na iniuugnay kay Quiboloy. Ang nasabing network ay nasangkot sa red tagging at fake news.
Sa kasalukuyan, nakahanda na rin ang detention facility ng Kamara na pagkukulungan kay Quiboloy na ipinasilip sa media ni House Secretary General Reginald Velasco.
Inihayag pa ng opisyal na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy ay posibleng isilbi na sa susunod na linggo ng mga law enforcement agencies partikular na mula sa PNP na inatasan para hanapin si Quiboloy at dalhin sa Kamara.
Nakatakdang lagdaan ang warrant of arrest ni Tambunting habang maari ring lumagda dito si Velasco at House Speaker Martin Romualdez tulad ng inisyung subpoena kay Quiboloy.
Naniniwala naman si Tambunting na hindi hahantong sa “worst case scenario” ang pag-aresto kay Quiboloy na bantay sarado ng kaniyang mga tagasunod sa KOJC kaugnay ng pangambang may mga armado sa mga ito na handang mamatay para protektahan ang religious leader.
- Latest