Chocolate Hills resort isinara na

Captain’s Peak Garden and Resort in Barangay Canmano in the municipality of Sagbayan.
Facebook / Screengrab from Ren The Adventurer

MANILA, Philippines — Sarado na ang kontro­bersiyal na resort na itinayo sa Chocolate Hills sa Bohol subalit iginiit ng pamunuan ng Captain’s Peak Garden and Resort na sumunod sila sa mga patakaran na itinakda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa pagsasara nito, sinabi pa ng resort na magpapatupad ito ng “various eco-friendly initiatives” upang mapanatili ang sustainability nito.

Ngunit ayon kay Interior and Local Government (DILG), pinaiimbestigahan niya ang posibleng pananagutan ng Bohol LGU sa viral resort na itinayo sa protektadong lugar ng Chocolate Hills sa Bohol.

Ayon kay Abalos, aalamin nila kung may kapabayaan sa tungkulin o anumang iregularidad sa bahagi ng mga opisyal na inatasang protektahan at pangasiwaan ang lugar.

Anya, ang Chocolate Hills ay isang UNESCO World Heritage Site at isang protektadong lugar sa ilalim ng Proclamation No. 1037 Series of 1997 at ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.

“Anumang aktibidad na nakakagambala o sumisira sa mga protektadong lugar tulad ng Chocolate Hills, nang walang tamang awto­risasyon, ay ipinagbabawal ng batas,” dagdag pa nito.

Una nang nilinaw ng DENR na naglabas na ito ng temporary closure order noong Setyembre 2023 gayundin ng violation notice noong Enero 2024 laban sa Captain’s Peak Resort.

Ayon sa ahensya, walang environmental clearance certificate (ECC) ang operasyon ng resort.

Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Sagbayan, Bohol na hindi pa sila nakakatanggap ng kopya ng temporary closure order mula sa DENR.

Sa pahayag ni Felito Pon, executive secretary ng Office of the Mayor, nakara­ting sa lokal na pamahalaan ang ilang aplikasyon kaugnay ng resort noong 2018 at sila ay isinangguni sa Protected Area Management Board (PAMB).

Kasabay nito, inutos na kahapon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa kontrobersyal na pagtatayo at operasyon ng resort.

“We are set to file on Monday a moto propio inquiry regarding that matter. Hindi rin po nagustuhan ng House leadership po iyon. I’ve been communicating with the Speaker…napag-uusapan po at nasabi ko na po sa kanya, magpa-file po tayo ng inquiry regarding this matter,” pahayag ni ACT -CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo.

Inihalimbawa rin ni Tulfo ang Captain’s Peak Resort sa Bohol na isang kulugo sa mukha na dapat tanggalin dahil nakakasira ito ng imahe.

Show comments