MANILA, Philippines — Naalarma ang Senate blue ribbon committee kaugnay sa pagbibigay ng pasaporte ng Pilipinas sa isang Vietnamese national.
Sa pagdinig tungkol sa tumataas na bilang ng hindi awtorisadong paggamit ng mga banyaga ng mga government documents, kinuwestiyon ni Senator Pia Cayetano kung “for sale” na ang Philippine passport.
Ibinunyag ni Senator Pia Cayetano, pinuno ng Senate panel, ang umano’y iregularidad at pinangalanan ang Vietnamese national na isang “Nguyen.”
Pero nilinaw din niya na naipa-deport na ang nasabing banyaga.
“This foreigner is using a duly issued Philippine passport. A Vietnamese national. So this Vietnamese national was recently deported by the Bureau of Immigration after being discovered in possession of a fraudulently obtained Philippine passport,” ani Cayetano.
Ayon pa kay Cayetano, napatunayan na iniisyu ng Department of Foreign Affairs ang pasaporte ni “Nguyen.”
Nauna rito, nagpahayag ng pagkabahala ang mga senador sa pag-iisyu umano ng mga balidong pasaporte ng Pilipinas sa mga Chinese nationals na banta umano sa seguridad ng bansa.
Napaulat na ang mga dayuhan ay nagbabayad ng P500,000 para makakuha ng mga pasaporte ng Pilipinas.