MANILA, Philippines — Namemeligro nang matanggalan ng prangkisa ang Swara Sug Media Corporation na nago-operate sa Sonshine Media Network International (SMNI) matapos maipasa sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9710 nitong Miyerkules ng gabi.
Ipinasa sa pamamagitan ng viva voce voting ang HB 9710 upang bawiin ang Republic Act No. 11422 o ang batas na nagkaloob ng 25 taong prangkisa sa Swara Sug Media Corporation.
Ayon kay 1-Rider Partylist Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, may-akda ng panukala, nasangkot ang SMNI sa maraming insidente ng paglabag sa prangkisa na hindi dapat pabayaan.
Nilabag umano ng network ang Seksiyon 4 sa legislative franchise kaugnay ng responsibilidad nito sa publiko na magbalita ng makatotohanan at balanse sa mga audience nito pero ang network ay nasangkot sa fake news sa mga hindi ibineripikang ulat, bukod pa sa red tagging. Nilabag rin umano ng SMNI ang probisyon hinggil sa sale, lease at paglilipat ng ownership at gayundin ang dispersal ng rekisitos sa ownership.
Kaugnay nito, nakatakda ring pagbotohan sa ikatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ang pagbawi sa prangkisa ng SMNI at kung mayorya ang boboto rito ay ganap nang matatanggalan ng prangkisa ang network na iniuugnay sa kontrobersyal na si Pastor Apollo Quiboloy.