Resort itinayo sa Chocolate Hills pinaiimbestigahan ni Binay
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Sen. Nancy Binay sa kinauukulang komite ng Senado ang patatayo ng resorts sa paanan mismo ng Chocolate Hills.
Ayon kay Binay, nakakagalit at nakakadurog ng puso ang nakitang mga resorts sa lugar na dapat ay pino-proteksiyunan ng gobyerno.
“Nakakagalit at nakakadurog ng puso ang nakita nating mga nakatayo nang resorts sa mga paanan mismo ng Chocolate Hills. Sa unang tingin pa lamang, alam na nating may mali,” ani Binay.
Isang malaking kuwestiyon aniya ang pagtatayo ng resort# sa isang protected area ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organizations (UNESCO).
Kung ang mga ahensya ng gobyerno na may tungkulin at responsabilidad na pangalagaan ang Chocolate Hills ay may pro-environment mindset, ang tanong po natin, bakit nakapagtayo ng resort at mayroon pang cottages at swimming pool sa isang ‘classified natural monument’ sa ilalim ng NIPAS, at isang protected UNESCO geopark?”ani Binay.
“We understand the importance of development, but there should be boundaries. If the DENR continues to issue ECCs in the guise of “tourism development”, I believe they have misunderstood what ecotourism is all about, and they have become complicit to defacing a natural monument they’re supposed to oppose,” ani Binay.
Nakarating na rin sa kaalaman ni Binay na paborableng inendorso ng Protected Area Management Board (PAMB) noong 2022 at 2023 ang development ng Captain’s Peak Resort sa Canmano, Sablayan, Bohol na nasa loob ng Chocolate Hills Natural Monument (CHNM).
Hinihingan ng paliwanag ni Binay ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kabilang ang local government unit sa pagpayag at pagbibigay ng permit sa nasabing resort sa kabila ng protected status ng Chocolate Hills.
- Latest