MANILA, Philippines — Delikado umanong kapitan ng sakit na kanser ang isang indibidwal na na-overdose ang dosage sa glutathione drip na nauuso ngayong pampaputi ng balat sa mga kababaihan.
Ito ang ibinabala ni dating Health Secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin sa publiko laban sa negatibong epekto ng paglalagay ng glutathione sa katawan.
Nang tanungin tungkol sa mga panganib ng glutathione drip, ipinaliwanag ni Garin na ang pagkakaroon ng maputing balat ang epekto ng overdose ng glutathione. Aniya pa, ito ang nagiging sanhi para madaling kapitan ng kanser ang isang tao.
“You will only have a fair and whiter skin if you get it in excessive doses. Iyan po ang epekto ng overdose ng glutathione. Is it beneficial? Sa iyong resistensya—yes. However, kapag ikaw ay hindi natingnan ng maayos ng doktor, at ito pala ay bawal sa’yo at wala ka namang cancer ay para kang kumuha ng bato na pinukpok mo sa ulo mo,” saad pa ng health expert na si Garin.
“Dahil hinaharang niya ‘yung iyong pigment cells, nagiging mas prone ka sa cancer. ‘Yung mapuputi, marami sa kanila may cancer dahil hinaharang ng gluta ang melanin na syang protection o parang bubong na nag-aabsorb ng radiation,” dagdag pa ni Garin.
Sinabi ng mambabatas mula Iloilo na ginagamit ang glutathione ng mga cancer patients bilang immune booster habang ang mga ito ay sumasailalim sa chemotherapy para hindi madaling kapitan ng sakit.
“Ang side effect niya ay nagpapaputi siya in excessive doses dahil parang kung ikaw ay may konting overdose na sa glutathione nasu-supress niya or hinaharang niya ‘yung iyong melanocytes o melanin o iyong pigment cells na nagbibigay ng kulay mo,” paliwanag pa ni Garin.
Nauna rito, tinutulan ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng glutathione para sa pagpapaputi ng balat, idiniin na hindi inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang anumang injectable na produkto para sa pagpapaputi ng balat.
Upang palakasin ang immune system, pinayuhan ni Garin ang publiko na kumain ng masusustansyang pagkain, mag-ehersisyo araw-araw at magkaroon ng sapat na tulog.