MANILA, Philippines — Tinukoy ni retired Supreme Court Sr. Associate Justice Antonio Carpio si dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya umanong umagrabyado sa Pilipinas ukol sa isyu sa West Philippine Sea, sa hanay ng mga dating pangulo ng bansa.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, tinuligsa ni Carpio ang pagbalewala noon ni Duterte sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pumapabor sa Pilipinas at ibinabasura ang claim sa “nine-dash line” ng China.
“The President who did the most was the President who filed that case—- that’s PNoy. We thank him for that. And the guy who did the most to ignore the award is, of course, Duterte. He said it was just a piece of paper,” ayon kay Carpio.
Si Carpio ay nagsilbi bilang chief presidential legal counsel ni dating Pangulong Fidel Ramos, kung kailan isinadsad ng naturang administrasyon ang BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal sa WPS, nang makita ang agresyon noon ng China.
Dahil dito, mas lalong naging agresibo ang China sa WPS nang magtayo na ng mga istruktura, pinatindi ang kanilang presensya at pinalakas ang harassment sa mga mangingisdang Pilipino at maging sa Philippine Coast Guard (PCG). Kabilang dito ang pagbunggo ng isa nilang barko sa isang sasakyang-pandagat ng Pilipinas na nagsasagawa ng re-supply mission sa Ayungin Shoal.
Bagaman itinuturing noon na kaibigan ang China, sinabi ni Duterte noon na hindi niya kinikilala ang “10-dash line” nito. Isa umanong “non-negotiable” ang isyu sa teritoryo at ang nasasakupan ng Pilipinas.