Marcos Jr. nabatikos sa gitna ng '15-year high' rice inflation

Workers unload sacks of rice at a warehouse in Tondo, Manila on February 24, 2024.
The STAR/Ernie Penaredondo, File

MANILA, Philippines — Kinastigo ng economic think tank na IBON Foundation ang pinakamabilis na paglobo ng presyo ng bigas sa 15 taon, ito sa kabila ng P20/kilong pangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

Martes nang ibalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-akyat ng inflation rate sa 3.4% noong buwan ng Pebrero. Halos 50% nito ay inambag ng rice inflation (1.6%), na siyang pinakamatulin simula noong Pebrero 2009 matapos itong umakyat sa 23.7%.

"[This] shows that the Marcos administration’s so-called measures to tame inflation are not working. The group said that the government needs to quit its hype and implement real solutions to high prices," ayon sa IBON.

"Particularly for the country’s staple, the Marcos government should rescind its rice liberalization law that has only led to higher rice prices."

Tumutukoy ang liberalisasyon ng bigas sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law, na siyang nagtatanggal ng restriksyon sa dami ng imported na bigas na pwedeng makapasok sa Pilipinas kapalit ng taripa. Ang batas ay sinasabing ikinalulugi ng mga magsasaka.

Lumalabas din sa datos ng PSA na mas dama ng pinakamahihirap na pamilya ang inflation. Kasalukuyan kasi itong nasa 4.2% para sa "bottom 30% income households." Mas mataas aniya ang rice inflation para sa kanila, na siyang nasa 26.3% mula sa 24.8%.

"IBON observed that rice prices have only continued to increase since the Rice Tariffication Law was enacted in February 2019, contrary to government claims that the law would usher in cheaper rice," dagdag pa ng grupo.

"[M]ore effective measures need to be implemented, such as stopping rice import liberalization, giving substantial support to producers, and increasing the purchasing power of poor households through wage hikes and direct assistance."

Presyo ng bigas aabot ng P65/kilo

Narito ang kasalukuyang presyo ng lokal at imported na bigas kada kilo, ayon sa price monitoring ng Department of Agriculture kahapon:

Lokal 

  • Special: P56 - P65
  • Premium: P50 - P61
  • Well-milled: P45 - P58
  • Regular milled: P50

Imported

  • Special: P57 - P65
  • Premium: P50 - P65
  • Well-milled: P50 - P55
  • Regular milled: P50 - P51

Nangyayari ang lahat ng ito kahit ipinangako ni Bongbong ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 hanggang P30 kada kilo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga "price cap." Hindi pa rin ito natutupad.

Agosto 2023 lang nang sabihin ni Marcos na nais niyang ipa-review ang liberasasyon ng bigas matapos magkaroon ng "problema" sa suplay at presyo ng bigas.

Isang linggo pa lang ang nakalipas nang ibalita ng Social Weather Stations na karamihan sa mga Pilipino ay naniniwalang "walang magbabago sa estado ng kanilang pamumuhay" sa susunod na 12 buwan. — may mga ulat mula sa BusinessWorld

Show comments