MANILA, Philippines — Pabor ang Department of Health (DOH) sa panukalang ipagbawal ang mga disposable electronic cigarettes o "vape" — pati na rin ang non-disposable na uri nito sa kabuuan.
'Yan ang posisyon ng kagawaran matapos ilutang ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto ang ideya, lalo na't karamihan dito ay 'di rehistradong produkto.
Related Stories
"The [DOH] supports the proposal of the Secretary of Finance to ban disposable vapes in particular, and vapor products in general due to their harmful effects on our health and the environment," wika nila ngayong Miyerkules.
"Disposable vapes and vapor products pose significant health risks including e-cigarette or vapor product associated lung injury (EVALI), nicotine addiction, and respiratory and cardiovascular diseases, among others."
Bukod pa rito, gawa rin aniya ang mga naturang disposable vapes sa plastic at battery na mahirap i-recycle o mabulok.
Nagreresulta raw ito sa electronic waste (e-waste) na naglalaman ng mapaminsalang kemikal na maaaring tumagas sa lupa o tubig, na siyang magdadala ng peligro sa kalikasan ang kalusugang publiko.
Ito rin aniya ang kanilang pananaw hindi lang sa disposable vapes ngunit sa lahat ng uri ng vapes o e-cigarettes.
"The [secretary of Finance] only proposed to ban disposable vapes. DOH supports that, in addition to its own perspective that all vapes should be banned," paglilinaw ng DOH sa media.
Una nang hinihimok ng Department of Trade and Industry ang mga e-commerce platforms na sumunod sa vape law (Republic Act 11900), bagay na nagbabawal sa pagbebenta ng vape na may "flavor descriptors" lalo na't nakakaengganyo ito sa mga menor de edad.
Nakasaad din sa R.A. 11467 o pag-amyenda sa National Internal Revenue Code of 1997 na tanging plain tobacco o plain menthol lang ang pinapayagang flavor ng vapor products. Sa kabila nito, maraming disposable flavored vapes pa rin ang mabibili sa merkado.
April 2023 lang nang purgahin ng gobyerno ang nasa 15,000 non-compliant vape sellers sa internet dahil sa hindi pagsunod sa vape law.