Romualdez pinakinggan problema ng mga mangingisda sa West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Pinamamadali ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbibigay ng scholarship sa mahigit 1,000 anak ng mga mangingisda sa Aborlan, Palawan na apektado ang kabuhayan dahil sa gusot sa West Philippine Sea.
Lumapit sa tanggapan ng ACT-CIS extension office sa Palawan ang mga lider ng mahigit sa 600 mangingisda sa Aborlan para humingi ng tulong at ipaabot ang kanilang problema sa WPS.
Nataon naman na bumisita si Romualdez sa Palawan nitong Biyernes para pasinayaan ang kanyang tanggapan sa Puerto Princesa kaya sinamantala ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kasama ang kabaro na si ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap na ilapit ang problema ng mga mangingisda. Si Romualdez ang tumatayo ring caretaker ng 3rd district ng Palawan matapos pumanaw si Rep. Edward Hagedorn.
“Kahit wala sa programa at schedule, hinarap ni Speaker ang mga lider ng mga mangingisda at agad pinakinggan ang problema ng mga ito,” ayon kay Tulfo.
Sumbong ng mga mangingisda kay Speaker na apektado na ang kanilang pamumuhay sa lugar dahil sa mas malalaking mga bangka ng China na patuloy na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Kabilang sa kanilang hiniling ang tulong sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Nakiusap din sila na tulungan sila na magkaroon ng sariling ice plant at gasolinahan sa lugar para sa mga pangangailangan ng mga mangingisda.
Humihiling din ng pangkabuhayan ang mga mangingisda bilang alternatibo tuwing hindi sila makalaot para mangisda.
“Diretsahan na lang, kumuha tayo ng lahat ng listahan ng mga estudyante, bigyan natin ng scholarship. Ganun kasimple. Kung namomroblema kayo sa edukasyon, scholarship na lang diretso na lang,” sabi ni Romualdez sa mga mangingisda.
Sinabi ni Romualdez na kakausapin din nito si Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez para mabigyan ng mas malaking mga bangka ang mga mangingisda.
Nangako rin si Romualdez na agad aayusin ang pagtatayo ng ice plant at gas station sa Aborlan.
“Tapos isang fuel storage diyan sa Aborlan. Kausapin natin si Mr. Ramon Ang para maglagay ng fuel storage facility. Tapos yung mas malaking mga bangka ayusin natin,” dagdag pa ni Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na nais din nitong magkaroon ng alternatibong pangkabuhayan ang pamilya ng mangingisda gaya ng pagtatayo ng food processing facility sa lugar.
- Latest