Pagdedeklara ng state of calamity sa El Niño ‘di pa kailangan – OCD
MANILA, Philippines — Hindi pa irerekomenda ng Office of Civil Defense (OCD) ang pagdedeklara ng state of calamity sa bansa dahil sa epekto ng El Niño.
Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepumuceno, bagama’t inaasahan ang matinding tagtuyot sa susunod na buwan, magkakaiba ang sitwasyon at epekto ng El Niño sa iba’t ibang probinsiya.
Aniya, 82 probinsya lamang mayroon ang bansa.
Sinabi ni Nepumuceno na kailangan na hintayin ang sitwasyon ng bawat probinsiya sa epekto ng El Niño.
Sa ngayon aniya, 20 probinsiya na ang naitatalang dumaranas ng matinding tagtuyot.
Inihayag din ng PAGASA na lalo pang lalala ang tagtuyot sa buwan ng Abril.
Samantala, patuloy na lumalawak ang pinsala sa agrikultura dulot ng El Niño sa mga bayan ng Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Oriental Mindoro Gov. Humerlito “Bonz” Dolor, ginagawa nila ang lahat ng paraan upang mabawasan ang pinsala ng tagtuyot.
Kabilang na rito ang pagpapadala ng mga kagamitan sa mga apektadong bayan upang makahanap ng posibleng panggalingan ng tubig para sa irigasyon at maisalba ang mga natitirang pananim.
- Latest