Gobyerno tuloy sa paghahanap ng paraan para maibsan kahirapan ng mga tao
MANILA, Philippines — Prayoridad ng administrasyon ngayon ang paghahanap ng mga paraan para maibsan ang paghihirap ng tao lalo na sa mga araw-araw na gastusin.
Ito ang tugon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa panayam kung ano ang ginagawa ng pamahalaan para makatulong sa mataas na presyo ng mga bilihin at gastusin sa pang-araw-araw.
“Hindi lang kasi naha-highlight pero halos linggu-linggo namimigay ng mga bigas at cash ang administrasyon sa mga probinsya at inuuna lang ang mga nasa laylayan ng lipunan,” ayon kay Romualdez.
“Maraming programa ang Marcos Administration like mga scholarship sa TESDA, livelihood at business opportunity sa mga gustong magkaroon ng munting negosyo, at cash assistance o AICS ng DSWD na ipinamamahagi sa mga tao.”
Binanggit din ng lider ng kongreso pati ang mga magsasaka ay may mga ayuda rin sa pamamagitan ng cash incentives pag binenta nila ang kanilang mga bigas sa gobyerno.
Tinukoy din niya ang pagsasabatas ng Extended Centenarian Act o pagbibigay ng cash grant ng P10,000 sa senior citizens na edad 80 at kada limang taon ay bahagi ng Marcos Administration aid sa lahat ng centenarian at nonagenarians.
Pahabol pa ni Romualdez, “and we don’t stop there kasi may ongoing dayalogo kami ng PhilHealth na kung maaari ay sagutin na nila ang kalahati ng hospital bills ng mga miyembro at libre na ang mga x-ray, ultra sound, ECG, mammography at iba pang diagnostic exams.”
- Latest