MANILA, Philippines — Sa isang makabuluhang pagtitipon ng mga lokal na pinuno sa buong bansa, inimbitahan si Senator Christopher “Bong” Go bilang isa sa mga tagapagsalita sa 2024 Fellowship Dinner at General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Marriott Hotel sa Pasay City noong Miyerkules.
Pinangunahan ni LMP National President at La Paz, Abra Mayor Joseph Sto. Niño “JB” Bernos, ang okasyon ay nagsisilbing plataporma para sa diyalogo at pagtutulungan ng municipal leaders ng bansa para pagyamanin ang pagkakaisa at epektibong pamamahala sa lokal na antas.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go ang mahigit 1,000 alkalde na dumalo at binigyang-diin niya ang kanilang pangako na paglilingkuran ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng mabuting pamamahala.
Idiniin ni Go ang kahalagahan ng mga pagsisikap para sa inklusibong lokal na pag-unlad upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo-publiko kasabay ng pagtiyak na ang bawat komunidad ay makikinabang sa pag-unlad at walang Pilipinong maiiwan.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, pinagtibay rin ni Go ang kanyang pangako sa pagpapahusay ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa, lalo sa grassroots.
Binanggit din ni Go ang kahalagahan ng tatlong programang pangkalusugan na kanyang binibigyang-priyoridad: ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers, ang pagtatayo ng Super Health Centers, at ang pagtatayo ng mas maraming Regional Specialty Centers.
Dahil sa kanyang mga inisyatiba, taos-pusong pinasalamatan ng mga alkalde si Sen. Go, tinaguriang “Mr. Malasakit”, sa kanyang patuloy na suporta at makabuluhang kontribusyon sa bawat komunidad.