Marcos tinawanan lang patutsada ni Quiboloy

MANILA, Philippines — Tinawanan lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyon ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na nakipagsabwatan sila ni First Lady Liza Marcos sa gobyerno ng Estados Unidos para ipapatay ang pastor.

Ito ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview bago magtungo sa Canberra, Australia para sa dalawang araw na state visit.

Natatawang sinabi ng presidente na walang gustong mag-assassinate kay Quiboloy.

Iginiit pa ni Marcos na nakasuhan na si Quiboloy sa Amerika bago pa man siya naupong Presidente.

“Walang may gustong mag-assassinate sa kaniya. Bakit siya i-assassinate, wala namang why would anyone wanted to death. I, maybe, he’s just very, very--- wala na, I just, hindi ko naiintindihan ‘yung sinasabi niya. Bakit siya i-assassinate,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Si Quiboloy ay wanted sa Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa sex trafficking.

Kaya sa halip anya na magpukol ng iba’t-ibang alegasyon, mas mabuti pang harapin na lamang ng pastor ang mga kasong kinakaharap nito maging ang mga imbestigasyon ng Kamara at Senado.

“Hindi naman siguro. Pero hindi ko alam, siguro, natatakot siya dahil sa mga pangyayari. But, I again, the best way to defuse that situation for him is to testify before the committees in the House and in the Senate,” giit pa ni Pangulong Marcos.

Show comments