P150 umento arawang sahod sumalang na sa House

MANILA, Philippines — Sumalang na ngayong araw sa Committee on Labor and Employment hearing ng Kamara ang panukalang batas na magtatakda ng karagdagang P150.00 sa arawang kita ng mga minimum wage earner sa pribadong sektor sa bansa.

Bukod sa umento sa sahod, ang House Bill No. 514 o ang “Daily Across-the-Board Wage Increase Act” din ang magtatakda sa Department of Labor and Employment o DOLE na magsagawa ng regular na pagsusuri pagdating sa payroll at iba pang financial records ng mga kompanya sa pribadong sektor upang matiyak na sumusunod sila sa saklaw ng nasabing panukala.

Iginiit ng mga mambabatas sa pangunguna ng principal sponsor nitong si Cavite 1st District Representative Ramon Jolo Revilla III na napapanahon na para itaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino lalo pa at patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa inflation.

Matatandaan din na noong 2020 ay lumabas sa isang pag-aaral na ang monthly average salary ng mga manggagawa sa Pilipinas ang isa sa pinakamababa sa 110 mga bansa sa buong mundo.

Sa kasalukuyan, nasa 77 mga mambabatas na ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa panukalang batas na ito, at umaasang maisasabatas sa lalong madaling panahon.

Show comments