Pinas, tumanggap ng P145.5 milyong cash grant sa Unicef at Canada

Para palakasin bakuna sa mga bata

MANILA, Philippines — Tumanggap ang pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), ng P145.5 milyong cash grant mula sa Cana­dian government upang palakasin ang routine immunization sa mga bata sa bansa.

Ayon sa DOH, ang naturang pondo, na bahagi ng partnership ng DOH sa United Nations Children’s Fund (Unicef), ay gagamitin para sa COVID-19 vaccination, routine immunization, at mga pamamaraan na naglalayong gawing de kalidad ang primary health care na accessible sa mga Pinoy.

“We’re grateful for Ca­nada’s generous PHP 145.5 million in support, reflecting a shared commitment to boost public health in the Philippines. Our collaboration with UNICEF integrates COVID-19 vaccination and routine immunization, priori­tizing areas with the highest number of unvaccinated individuals,” ani Heath Secretary Teodoro Herbosa.

Dagdag pa niya, gamit ang gender-responsive approach, target nilang makamit ang 95 percent coverage ng immunization sa mga kabataan, upang masolusyunan ang katayuan ng bansa, bilang isa sa nangungunang limang bansa na may pinakamataas na bilang ng ‘zero-dose children’.

Anang DOH, prayoridad ang mga lalawigan at mga lungsod na may pinakamataas na bilang ng mga batang walang bakuna at mga lugar na may pinakamalaking bilang ng mga indibidwal na hindi pa rin naturukan ng COVID-19 booster vaccines.

Kabilang dito ang mga piling munisipalidad sa mga lalawigan ng Antique, Davao Del Norte, at Sarangani; General Santos City; at sa Special Geographic Area sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Show comments