MANILA, Philippines — Kinilala si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) bilang isa sa Outstanding Public Servant Awardees para sa taong 2023.
Ang pagkilala ay isang patunay ng malaking epekto at kontribusyon ni Go sa serbisyo publiko sa Pilipinas.
Kilala bilang “Mr. Malasakit” para sa kanyang paglilingkod sa mga komunidad na nangangailangan, lubos na nagpasalamat si Go at muling pinagtibay ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
“Lubos akong nagpapasalamat sa RP-Mission and Development Foundation Inc. sa pagkilala sa aking mga nagawa. Ito ay nagbibigay inspirasyon at lakas sa akin upang lalong pagbutihin ang aking mga serbisyo para sa kapakanan ng mga Pilipino,” ani Go.
“With or without an award or recognition, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao, ay serbisyo sa Diyos,” idinagdag niya.
Higit dito, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng sama-samang pagsisikap sa pagkamit ng inklusibong pag-unlad tungo sa pambansang pag-unlad.
Ayon kay Dr. Paul Martinez, Executive Director ng RPMD, ang parangal ay sumasalamin sa patuloy na pagpapahusay ni Go sa kapakanan at antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa kabuuan ng kanyang karera.
Partikular na pinuri ni Martinez ang mahalagang papel ni Go sa pagsasabatas ng Malasakit Centers Act, na naging napakahalaga sa pagpapabuti ng accessibility sa pangangalagang pangkalusugan lalo para sa mga mahihirap sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, mayroong 159 operational Malasakit Centers na nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino.
Binigyang-diin din ng RPMD ang pagsisikap ni Go sa pagsusulong ng batas na sumusuporta sa iba’t ibang sektor, kabilang ang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection, ang pagpapataas ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno, at ang pagtatatag ng National Academy of Sports.
Ani Martinez, kabilang din sa mga adbokasiya ni Senador Go ang Department of Migrant Workers Act at ang pagtatayo ng Super Health Centers, na nagpapakita ng kanyang holistic approach sa pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ng mga Pilipino.