'Pagbawi' ng BFAR sa cyanide use ng Beijing vs Panatag Shoal binanatan

This photo taken on February 15, 2024, shows an aerial view of over Scarborough Shoal in the disputed South China Sea.
AFP/Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Dismayado ang ilang aktibistang mangingisda sa pagkabig ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos unang sabihing "sadyang" sinisira ng Tsina ang West Philippine Sea gamit ang cyanide fishing.

Lunes nang sabihin ni BFAR spokesperson Nazario Briguera sa PTV4 na "hindi pa nila sigurado" kung ginawa ba talaga ito ng mga Tsinong mangingisda sa Bajo de Masinloc (kilala bilang Panatag o Scarborough Shoal).

"Bakit tila umatras sa naunang pahayag ang BFAR kaugnay sa laganap na cyanide fishing ng China sa Panatag Shoal?" tanong ni PAMALAKAYA Vice Chair for Luzon Bobby Roldan sa isang pahayag ngayong Martes.

"Ang ganitong pabagu-bago at di-tiyak na pahayag ay magpapatagal lamang sa pagpapanagot sa China at iba pang bansa na nagsasagawa ng iligal na pangingisda sa ating teritoryo."

Wika ng PAMALAKAYA, malinaw naman aniyang bawal ang pagpasok at presensya ng mga dayuhang mangingisda sa mga karagatan ng Pilipinas batay sa Chapter VI, Section 91 ng Amended Fisheries Code o batas laban sa illegal poaching.

Isang linggo na ang nakalilipas nang itanggi ni Chinese Foreign Affairs spokesperson Mao Ning bilang "gawa-gawa" ang naunang paratang ng BFAR, lalo na't "kanila" raw ang Bajo de Masinloc at dapat nilang alagaan.

Patuloy na inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea — lugar kung saan naroon ang West Philippine Sea at Panatag Shoal — kahit na una nang ibinalewala ng Permanent Court of Arbitration nine-dash line claim ng bansa. 

"Malakas na ebidensya na ang testimonya at pahayag ng mga mangingisda sa Panatag Shoal; ito ang dapat gawing batayan ng gobyerno ng Pilipinas para sampahan ng kaso ang China at iba pang mga bansang lumabag, para mabigyang hustisya ang mga Pilipinong mangingisda at ang ating kalikasan," dagdag pa ni Roldan.

"Dismayado kami sa mahinang paninindigan ng administrasyong Marcos Jr. sa patuloy na pangangamkam ng China sa West Philippine Sea. Katumbas na ito ng pagtataksil sa mga mangingisdang Pilipino at sa ating pambansang soberanya."

Hindi sigurado kung cyanide fishing?

Kahapon lang nang sabihin ni BFAR spokesperson Nazario Briguera sa panayam ng PTV4 na kailangan nilang tiyakin kung totoo ba ang una na nilang sinabing "sadyang pagsira" ng Tsina sa West Philippine Sea gamit ang cyanide.

"Hindi pa naman po conclusive nating sinasabi, kaya nga po patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng [BFAR]," pagkabig ng tono ni Briguera.

"[B]ukas din po kami sa pakikipagbalikatan sa mga ibang ahensya ng pamahalaan, mga organisasyong nagsasaliksik... para naman mapatunayan natin at magkaroon ng scientific basis itong sinasabi ng mga mangingisda na itong pagkasira ng mga bahura sa Bajo de Masinloc ay gawa ng cynaide fishing."

"O kung meron mang ibang destructive method na ginamit ay kailangang mapatunayan natin 'yon."

Ibang-iba ang tono ni Briguera sa bagong panayam ng state-run media entity kumpara sa naunang pahayag kung saan tila siguradong-sigurado siya sa pagsabing sinisira ito para hindi na mapasok ng mga Pilipinong mangingisda.

Kabilang sa mga magsasaliksik sa lugar ay ang legal department at personnel ng BFAR, maliban pa sa pagbuo ng mga technical experts pagdating sa marine habitat assessment.

Dahil sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang ang Bajo de Masinloc, tanging Maynila lang ang may karapatan gumamit sa likas-yaman nito. Gayunpaman, itinuturing itong "traditional fishing grounds," dahilan para sabihin ni Briguera na pwede itong pangisdaan ng mga siblyang mangingisda kahit banyaga.

Show comments