Marcos nakapagbigay ng ‘democratic space’ sa bansa - De Lima
MANILA, Philippines — Matapos ang pitong taong “bangungot” na dulot umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naramdaman ni dating Sen. Leila de Lima ang pagkakaroon ng “democratic space” sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Under BBM, we are given the opportunity to make use of a democratic space in transition from the authoritarian regime that was Duterte’s,” sabi ni De Lima.
Si De Lima ay nakulong sa ilalim ng Duterte administration dahil sa pagtuligsa nito sa madugong war on drugs ni dating Pangulong Duterte. Bagamat anim na taon lamang sa puwesto si Duterte, pitong taon nagtagal sa kulungan si De Lima.
“This is a breathing room from the seven years of nightmare that we thought was all over in 1986 and never to return again. But it did,” sabi ni De Lima.
Ayon kay De Lima, ibinalik ni Pangulong Marcos ang “normal order” sa bansa kung saan ang bawat isa ay may layang magsalita at hindi natatakot na gagamitin laban sa kanila ang lakas ng gobyerno.
Nauna ng sinabi ni De Lima na handa itong tumestigo sa International Criminal Court (ICC) na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng crimes against humanity na kinakaharap ni Duterte kaugnay ng libu-libong pinaslang sa kanyang war on drugs.
Sinabi ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes na maaaring magpalabas ng warrant of arrest ang ICC laban kay Duterte at mga kasabwat nito gaya ni Sen. Bato dela Rosa, na hepe ng PNP ng magsimula ang sinasabing extrajudicial killings (EJK) sa bansa.
Marami sa mga opisyal ni Duterte ang tumatayong kapwa akusado nito sa ICC.
- Latest