MANILA, Philippines — Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa ika-41 founding anniversary ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City noong Biyernes at pinasalamatan ang pamunuan at mga tauhan nito sa apat na dekadang paglilingkod sa bayan.
Chairperson ng Senate committee on health and demography, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng NKTI sa pagtataguyod ng kalusugan at pagliligtas ng buhay ng mga Pilipino.
Itinampok ni Go sa okasyon ang mahalagang papel ng NKTI bilang isa sa mga pangunahing pasilidad sa kalusugan sa bansa.
Sa pagpasa ng RA 11959 o ang Regional Specialty Centers Act, bilang pangunahing isponsor at isa sa may-akda nito sa Senado, sinabi ni Go na ang kadalubhasaan ng NKTI ay magiging instrumento sa pagtatayo ng iba pang specialty center sa buong bansa na may katulad na espesyalidad.
Iniaatas ng RA11969 ang pagtatatag ng mga Regional Specialty Centers sa lahat ng DOH Regional Hospital upang mailapit ang espesyal na pangangalagang medikal sa mga komunidad.
Pinuri ni Go ang pambihirang pagsisikap at dedikasyon ng mga kawani ng NKTI, mula sa mga doktor, nars hanggang sa utility workers na tumitiyak na maayos ang operasyon ng ospital.