MANILA, Philippines — Nagpasalamat kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at sa kanyang negosyanteng asawa na si Kat De Guzman Pimentel ang Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI) para sa kanilang suporta sa pagpapalakas muli ng industriya ng sapatos, lalo na sa Lungsod ng Marikina, na kilala bilang kapital ng sapatos ng bansa.
Ang mga sapatos ng Marikina ay kilala sa buong mundo dahil sa de kalidad nito ay mga eleganteng disenyo na maaaring makipagsabayan sa pandaigdigang antas.
Gayunpaman, hinaharap ng industriya ang iba’t ibang hamon sa pakikipagsabayan sa pandaigdigang merkado.
Nakipagpulong ang grupo kasama si Senador Koko at Kat Pimentel noong Huwebes para sa isang malawakang diskusyon ukol sa kalagayan ng industriya ng sapatos.
“Si Kat Pimentel, siya po ang apo ng yumaong Osmundo “Munding” De Guzman, dating alkalde ng Marikina, at siya ay nagpahayag ng kanyang suporta sa industriya ng sapatos, lalo na sa pagtataguyod ng mga interes ng mga maliit na tagagawa ng sapatos sa Marikina,” ayon sa kanila.
Si Osmundo “Munding” De Guzman, na nanungkulan bilang alkalde ng Marikina ang nagtatag ng Marikina Shoe Trade Commission (MSTC). Ang MSTC ay naglalayong suportahan ang industriya ng sapatos, na nagtutulak ng mas mataas na produksyon at pagpapabuti sa kapakanan ng mga umaasa dito.
Ang PFFI ay makikipagtulungan kay Senador Koko Pimentel III at Kat De Guzman Pimentel upang itaguyod at palakasin pa ang industriya ng sapatos sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Kat Pimentel na prayoridad niya ang pagsusulong ng industriya ng pagsasapatos, lalo na sa pagsulong ng mga interes ng mga maliit na tagagawa ng sapatos sa Marikina.