MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na ang P100 umento sa minimum na sahod sa buong bansa ay pakikinabangan ng mahihirap at nagugutom sa gitna ng pagtaas-presyo ng mga bilihin.
Sa ambush interview matapos dumalo sa 104th Founding Anniversary ng Marinduque, ipinaliwanag ni Go na ang Senate Bill No. 2534 na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ay nananatiling panukala hanggang hindi naipapasa ng mababang kapulungan at hindi inaaprubahan ng Pangulo.
Isa si Go sa co-author at co-sponsor ng nasabing panukala sa Senado.
Umaasa si Go sa mga kapwa mambabatas at sa gobyerno sa kabuuan na susuportahan ang panukalang makatutulong sa pag-angat ng kalagayan ng mahihirap.
Nanawagan din siya sa mayayaman na bahagi ng lipunan na suportahan ang panukala para tulungan ang mga ordinaryong manggagawa, lalo ang mga may problema sa pinansyal.
Binanggit ni Go na ang P100 wage hike ay makatutulong sa mga manggagawa na makayanan ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay dahil sa iba’t ibang salik tulad ng inflation.
Habang isinusulong ang panukalang pagtaas ng sahod, nilinaw din ni Go na dapat patuloy na suportahan ng gobyerno ang mga employer lalo ang Micro, Small and Medium Enterprises na nagbibigay ng mga oportunidad sa trabaho.
Ang SBN 2534, na pangunahing inisponsoran ni Sen. Jinggoy Estrada, ay layong amyendahan ang RA 6727, o ang Wage Rationalization Act, na siyang lumikha ng regional wage boards. Trabaho ng RWB na tukuyin ang minimum wage rates sa iba’t ibang rehiyon.