Paninipa ng guro sa estudyante, iniimbestigahan ng DepEd

MANILA, Philippines — Masusi na umanong iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang insidente nang umano’y paninipa ng isang guro sa kanyang estudyante kamakailan.

Ayon kay DepEd Central Visayas Director Salustiano Jimenez, inatasan na niya ang Cebu City Division na imbestigahan ang pangyayari, na nahuli sa isang cellphone video, at ibinahagi ng isang netizen sa social media.

Makikita sa video ang lalaking guro na pinapagalitan at sinisipa ang estudyante.

Sinasabing naganap ang insidente sa Don Sergio Osmeña Memorial National High School noong Pebrero 16.

Ayon kay Jimenez, sa sandali umanong mapatunayang naganap ang insidente ay maaaring maharap ang guro sa kasong administratibo at mabawian ng lisensiya.

Muli ring binigyang-diin ni Jimenez na hindi nila kailanman pinapayagan ang pagpapataw ng anumang corporal punishment sa mga mag-aaral.

Show comments