Quiboloy: ‘Walang rape, ­mayaman ako kaya pinag-aagawan’

Photo shows Kingdom of Jesus Christ church founder Apollo Quiboloy.
Pastor Apollo Quiboloy Facebook Page

MANILA, Philippines — Itinanggi ng kontro­bersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy na nang-rape siya ng ilang mga babaeng miyembro ng kanyang religious group.

Sa isang mahabang audio video na na-upload sa YouTube account ng Sonshine Media Network International, sinabi ni Quiboloy na ang mga nagbibintang ng rape ang naghahabol sa kanya.

“Ito po ang kasalanan ko, pinayaman ako ng Panginoong Diyos, akala nila sa akin single ako kaya pinag-aagawan ako. Pagkatapos na ako ay mag hi-hindi, mapapahiya, babalikan nila sa akin. ‘Yan ang ang kong Potiphar’s wife syndrome,“ ani Quiboloy.

Inamin naman ni Quiboloy na namamalimos ang grupo niya pero dapat aniyang tingnan ang “humanitarian” na ginagawa nila.

“Ni singko wala ka­ming ninanakaw. ‘Yung mga volunteers ko walang suweldo araw at gabi. Sapagkat nakikita namin ang mga kabataang Pilipino, pinabayaan ng mga pulitikong ‘yan,” ani Quiboloy.

Nauna nang sinabi ng mga testigo sa Senado na pinangakuan silang pag-aaralin pero mistulang ginawa umano silang pulubi kung saan nakakatikim sila ng palo kapag hindi naaabot ang quota.

Ipinagtanggol din ni Quiboloy ang himpilang SMNI na wala aniyang kasalanan pero idinadawit sa pulitika.

“Inalis ninyo ang ­aming malayang pagpapahayag, inalis ninyo ang amin press freedom…pati ang aking constitutional rights,” ani Quiboloy.

Inamin din ni Quiboloy na nagtatago na siya sa ngayon dahil hinahanap na siya ng CIA at ng FBI. Si Quiboloy, na nagsilbing spiritual adviser ni dating ­pangulong Rodrigo Duterte, ay idineklara na isa sa most wanted suspected sex traffickers ng United States Federal Bureau of Investigation.

Noong 2021, inakusahan ng Federal Grand Jury sa California si Quiboloy at iba pang opisyal ng KOJC dahil sa sex trafficking ng mga “pastorals” — mga kabataang babae sa loob ng KOJC na pini­ling magtrabaho bilang mga personal na katulong para kay Quiboloy.

Mayroong dalawang magkahiwalay na subpoena laban kay Quiboloy mula sa Senado at House of Representatives.

Sinimulan ng Se­nate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender ­Equality, na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros, ang pagsisiyasat nitong nakaraang buwan sa mga umano’y krimen na ginawa ng Kaharian ni Hesus Kristo, sa pamumuno ng tagapagtatag nitong si Quiboloy.

Show comments