4Ps palakasin pa vs inflation – Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa National Economic and Development Authority (NEDA), Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pag-aralan ang mga paraan partikular na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na tumugon sa epekto ng inflation sa mahihirap na mga Filipino.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ginawa ng Pangulo ang kautusan sa ginanap na sectoral meeting.
“Isa sa mga inatasan niyang pag-aralan namin is paano huwag mag-diminish o mabawasan ‘yung halaga ng mga financial assistance or grants na ibinibigay natin sa ating mga mahihirap na kababayan,” ayon pa sa kalihim.
Sinabi pa ni Gatchalian na ginagawa lahat ng economic team para mapababa ang inflation, subalit habang ginagawa ito ay kailangan pa rin ng kaakibat na pagprotekta sa peso value ng mga grants na ibinibigay ng pamahalaan katulad na lamang sa 4Ps at sa iba pang programa na nakatuon sa pagbibigay ng social protection sa pinakamahihirap nating kababayan.
Nakikipag-ugnayan na rin anya ang DSWD sa NEDA at PSA para makahanap ng “best index”na magagamit para makapag-adjust ng government grants.
“‘Yan ‘yung gist ng meeting kaninang umaga (Tuesday) na masigurado na naka-price index whether it’s cost of living or price of the essential baskets. We were tasked to work with PSA and the NEDA to find the best index to use to make sure na ang tulong pinansiyal, whether the 4Ps grants or, I guess, all other social protection that we do i-make sure namin na hindi siya napag-iiwanan kung nagkaroon ng spikes like inflation,” dagdag pa ni Gatchalian.
Sabi pa ng kalihim na pinamamadali na ni Pangulong Marcos ang nasabing pag-aaral dahil gusto niya itong ngayon sa ilalim ng kanyang termino dahil sa “Bagong PIlipinas” ay hindi pinag-uumaga ang trabaho.
- Latest