Detention facility sa Kamara naghihintay na kay Quiboloy

Photo shows Kingdom of Jesus Christ church founder Apollo Quiboloy.
Pastor Apollo Quiboloy Facebook Page

MANILA, Philippines — Naghihintay na ang detention facility ng Kamara para pagkulungan umano kay Apollo Quiboloy sakaling hindi ito sumipot sa pagdinig ng komite sa isyu ng paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Sinabi nina Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Margarita “Migs” Nograles at 1-Rider Party­list Rep. Rodge Gutierrez na ang pag-iisyu ng subpoena ng Kamara laban kay Quiboloy ay palatandaan na handa silang arestuhin ito kapag patuloy na hindi sumipot sa pagdinig. Samantalang kapag hindi ito nakipagkooperasyon sa pagdinig ay papatawan ng contempt at idederetso sa detention facility ng Kamara.

Si Quiboloy, pastor sa Kingdom of Jesus Christ ay kilalang founder ng television network na SMNI na ang operasyon ay sinuspinde ng National Telecommunications Company (NTC). Inisyuhan ng subpoena si Quiboloy para dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig sa darating na Marso 12.

Ang House Committee on Legislative Franchises ang nangunguna sa imbestigasyon sa prangkisa ng SMNI.

Binigyang diin ni Nograles na mas makaka­buting dumalo sa pagdinig si Quiboloy at magpaliwanag sa mga mambabatas.

Nauna nang na-detain sa Kamara ang mga SMNI hosts na sina Eric Celiz at Lorraine Badoy.

Show comments