MANILA, Philippines — Naglabas na ng kanyang tugon si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte hinggil sa mga paratang ng isang testigo sa Senado na siya at ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte ay tumanggap ng bag ng mga baril mula kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ni VP Sara na hindi na siya nagulat pa nang maglabasan ang mga paninira sa kanya lalo na at bilang bise presidente, siya ay itinuturing na pangunahing hadlang ng sinumang nangangarap na magiging susunod na pangulo ng bansa.
Ayon kay VP Sara, “Sa kasaysayan ng Pilipinas ay naging kagawian na ang pag-atake at pagbato ng sari-saring isyu laban sa Bise Presidente.”
Dagdag pa niya, “Hindi ko ikakagulat kung dumami pa ang mga kaso, imbestigasyon, testigo, paratang, atake, at paninira laban sa akin sa mga susunod na araw, linggo, buwan, at mga taon.”
Nagpahayag din siya ng paniniwala na may tamang panahon para sa lahat at sa ngayon aniya ay napapanahon upang siya ay magtrabaho at tuparin ang sinumpaang tungkulin sa mga mamamayan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kamakalawa hinggil sa umano’y mga pang-aabuso ng KOJC, sinabi ng testigong si alyas ‘Rene,’ na dati siyang landscaper ng “Glory Mountain” ni Quiboloy.
Akusa pa ng testigo, nakita niya ang mag-amang Duterte na kumuha ng mga bag sa naturang lugar ng pastor, na umano’y naglalaman ng mga baril.