MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang landmark bill na nagmumungkahi ng P100 pagtaas sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Bumoto pabor ang 20 senador sa Senate Bill No. 2534 samantalang hindi naman nakaboto at wala sa session hall sina Senators Imee Marcos, Lito Lapid, Cynthia Villar, at Mark Villar.
Nauna nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, co-sponsor ng panukala na kung lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maaaring ito ang “unang pagkakataon mula noong 1989” na magkakaroon ng pagtaas sa sahod sa pamamagitan ng isang batas.
Binigyang-diin din ni Zubiri ang mahigpit na pangangailangang taasan ang minimum na sahod ng mga manggagawa, partikular sa Visayas at Mindanao na kasalukuyang kumikita lamang ng P360 kada araw.
Sinabi ni Zubiri na imposibleng magkaroon ng maayos na buhay ang isang pamilya na ang nagta-trabaho ay kumikita lamang ng P360 isang araw.
Sinabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada, nag-sponsor ng panukalang batas na ginagarantiyahan ng panukala ang pagtaas sa araw-araw na sahod ng humigit-kumulang 4.2 milyong minimum wage earners.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng empleyado sa pribadong sektor, agricultural man o non-agricultural, ay may karapatan sa P100-araw-araw na minimum wage increase.
Samantala, nilinaw ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi intensiyon ng batas na maapektuhan ang Republic Act 6727 at 9178, ang Wage Rationalization Act at Barangay Micro Business Enterprise Act.
Hindi aniya kasama sa panukala ang mga establisyemento na wala pang 10 ang empleyado at wala pang P3 milyon ang kapital kung nakarehistro sa ilalim ng RA 9178.