MANILA, Philippines — Hindi na dapat dagdagan pa ang tatlong accredited motorcycle taxi na inotorisahan ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) para sumalang sa pilot testing dahil hindi pa natatapos ang pag-aaral hinggil dito.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, National President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), mas mainam na umusad muna ang pagsasabatas ng Kongreso sa motorcycle taxi operation bago dagdagan ng TWG ang accredited MC taxi companies sa bansa.
Tanging ang Angkas, Joyride at Move It ang accredited at pinayagan ng MC Taxi TWG para sa pilot testing na pawang App-Based Motorcycle taxis.
Binigyang diin pa ni Inton na tinututulan ng LCSP hindi lamang ng mga accredited MC taxi kundi maging ang ilang transport denomination tulad ng taxi, tricycle at UV express na dagdagan pa ang tatlong accredited MC taxi companies dahil malaki na ang epekto nito sa kanilang hanapbuhay dahil sa nababawasan ang kanilang pasahero na nagreresulta sa mahinang kita ng kanilang pasada.
“Kung sakaling madagdagan ang mga accredited companies madaragdagan ang riders. Dagdag kumpetensya sa kanila. Isa rin epekto ay sa mismong mga riders ay nagkakaroon ng problema kaya marami ay naghahabal habal na lang at hindi na gumagamit ng App. Maganda ang kumpetisyon kung malinaw na ang regulasyon sa motorcycle taxis,” sabi ni Inton.
Sa ngayon makaraan ang anim na taon ay nasa pilot test pa rin ng MC taxi TWG ang operasyon ng mga app based motorcycle taxis.