MANILA, Philippines — Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na magtutuluy-tuloy ang isinasagawa nilang “rotational deployment” ng kanilang mga tauhan katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFR) sa Bajo de Masinloc sa kabila ng protesta ng China.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG sa WPS, ito ay bilang pagtugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na regular na magtalaga ng barko sa lugar para maproteksyunan ang mga mangingisdang Pilipino laban sa harassment ng mga Tsino.
“The rotational deployment will be here to stay..for the food security, to make sure we will protect the Filipino fishermen’s rights, to make sure that the Filipino fishermen will go there na walang harassment,” saad ni Tarriela.
Agad naman niyang nilinaw na hindi nila layunin na maghamon kaninuman, ngunit ang proteksyunan lamang ang mga kapwa Pilipino.
Sinabi ng BFAR, na halos 400,000 Pilipinong mangingisda ang umaasa sa West Philippine Sea para sa kanilang kabuhayan.
Nasa 275,520 metriko toneladang isda at lamang-dagat ang nahuhuli sa WPS kada taon, na katumbas ng 6 hanggang 7 porsyento ng fishing sector ng bansa.
Iginiit pa niya na ang Bajo de Masinloc ay isang tradisyunal na fishing ground sa mga Filipino lalo na sa mga nasa Zambales, Pangasinan at ibat ibang bahagi ng coastal area ng Northern Luzon.
Ayon kay Tarriela, idineploy ng BFAR ang BRP Datu Tamblot o MMOV-3005, Cessna Caravan, RP-1077al at Cessna 208-B at aircraft sa Bajo de Masinloc.
Nabatid na galing ang mga aircraft sa Clark, Pampanga.
Ayon kay Tarriela, dinikitan ng China Coast Guard vessel 3105 ang BRP Datu Tamblot nang makarating ng one nautical mile mula sa Bajo de Masinloc.