MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtatatag ng College of Medicine sa isang unibersidad sa La Union.
Ito ay matapos na maging ganap na batas ang pagtatatag ng College of Medicine sa Don Mariano Marcos Memorial State University-South La Union Campus (DMMMSU-SLUC) sa Agoo, La Union.
Nakasaad sa Republic Act No. 11978 o “Don Mariano Marcos Memorial State University-South La Union Campus-College of Medicine”, pangunahing alok nito ang Doctor of Medicine Program kasama na ang Liberal Arts and Medicine Program.
Kabilang sa mga programa sa naturang unibersidad ang basic science at clinical courses, paggamit sa learner-centered, competency-based, at community-oriented approach.
“The goal is to develop a corps of professional physicians to strengthen the healthcare system of the country,” nakasaad sa batas.
Layon din nito na matugunan ang pangangailangan sa human resource development ng La Union at Ilocos Region.
Ang nasabing batas ay nilagdaan ng Pangulo noong Pebrero 15 at magiging epektibo 15 araw matapos na mailathala sa mga pahayan na may national circulation.