MANILA, Philippines — Umakyat na sa 92 bangkay na narerekober matapos ang mangyaring pagguho ng lupa sa isang gold-mining village sa Maco, Davao de Oro noong nakaraang linggo.
Ika-6 ng Pebrero nang mabaon sa landslide ang ilang bus na may sakay na manggagawa ng Apex Mining Corp. sa barangay Masara — dahilan para masawi at mawala ang pagkarami-rami.
"Batay sa inisyal na ulat (bineberipika pa ang mga pangalan) mula sa MDRRMO Maco, 7:00 PM ngayong araw (Pebrero 15, 2024), mayroon kaming 92 bangkay na narekober, kabilang rito ang mga parte ng katawan lang ang nakuha," wika ng Provincial Government of Davao de Oro sa Bisaya nitong Huwebes.
Related Stories
"Sa kasalukuyan, mayroon tayong kabuuang 36 na nawawalang indibidwal."
Lagi tayong mag-ingat mga Dabawenyo at patuloy tayong magdasal para sa mga taong naapektuhan ng insidente.
Matatandaang nasagip sa pagguho ng lupa ang isang 2-buwang sanggol at 3-anyos na bata kahit tatlong araw nang natabunan.
Kahapon lang ipatigil ni Maco Mayor Alvera Veronica Rimando ang search, rescue and retrieval operations kaugnay ng landslide. Kasalukuyan itong search and retrieval operations na lamang dahil sa pagbaba ng pag-asang makakuha pa ng buhay na biktima.
Una nang pinaiimbestigahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pananagutan ng Apex Mining Corp. sa nangyaring trahedya, lalo na't marami sa mga namatay sa landslide ay kanilang mga manggagawa.
Ilang linggo nang umuulan sa Davao Region bago nangyari ang insidente dulot na rin epekto ng Hanging Amihan at trough ng low pressure area, dahilan para masalanta ang nasa 1.52 milyong katao sa mga sumusunod na lugar:
- Northern Mindanao
- Davao Region
- SOCCSKSARGEN
- CARAGA
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa P558.254 milyong halagang pinsala na ang naitatamo ng sama ng panahon sa sektor ng agrikultura.
Bukod pa ito sa P827.07 milyong halaga ng pinsala sa imprastruktura sa Region 10, Region 11 at CARAGA.
Umabot naman na sa P228.265 milyong halagang ayuda na ang naibibigay sa ngayon sa mga residente ng Northern Mindanao, Davao Region at CARAGA sa porma ng family food packs, medical supplies, atbp.