MANILA, Philippines — Catastrophic o peligroso umano ang panukalang P100 na umento sa sahod at hindi makakabuti sa pangkalahatan.
Ayon kay Sergio Ortiz-Luis Jr., presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), mali ang mga impormasyong pinagbabasehan ng mga mambabatas na nagtutulak na taasan ng P100 ang arawang sahod.
Paliwanag nito, hindi 52 million kundi 5 million lang ng nasa labor market o nasa 10 porsiyento ang makikinabang dito habang mas malaking bahagi o 80-90 percent ang hindi magbebenepisyo.
Gaya ng paniniwala ng ibang ekonomista, sinabi ni Ortiz-Luis na pansamantala lang din ang umento dahil kapag inabutan ng inflation ay balewala rin.
Ipapasa rin umano ito ng mga negosyante sa consumers kaya mas kawawa lang ang mga nasa informal sector o iyong mga magsasaka, mangingisda at mga tsuper na walang mapaghuhugutan.
Kapag nangyari ito, nasa 47 million ang aasa sa gobyerno sa pamamagitan ng ayuda, idagdag pa ang mga mawawalan ng trabaho.
Hindi rin kakayanin ng ibang kumpanya ang magbigay ng dagdag na sahod lalo’t karamihan ay bumabawi pa mula sa pagkalugi noong pandemya, kaya’t hindi rin makakabuti sa ekonomiya ang ganitong mga hakbang.