^

Bansa

KMU sa Kamara: Gayahin ang Senado, magpasa ng P100 wage hike bill

James Relativo - Philstar.com
KMU sa Kamara: Gayahin ang Senado, magpasa ng P100 wage hike bill
Workers arrange cans on the production line of canned sardines inside a manufacturing plant in Santo Tomas, Batangas on March 1, 2023.
AFP/Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Hinamon ng isang grupo ng mga manggagawa ang Kamarang maghain ng counterpart bill sa panukalang P100 minimum wage hike ng Senado, bagay na lusot na sa ikalawang pagdinig.

Miyerkules lang nang pumasa sa second reading ang Senate Bill 2534, na layong iangat ang arawang minimum na pasahod para sa mga manggagawa't empleyado sa pribadong sektor.

"Bagamat nahuhuli na at maliit kumpara sa family living wage, deserve ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod lalo pa’t taun-taon ay lumalaki ang inaambag ng mga manggagawa sa yaman ng bayan," wika ng Kilusang Mayo Uno (KMU) nitong Miyerkules.

"Hinahamon namin ang mga mambabatas sa House of Representatives na isantabi na ang pakikipagbangayan. Dapat mas pagtuunan ng pansin ang pagpapasa ng kaparehong batas sa Kamara, at hindi ang pagtatalo-talo dahil sa [Charter Change]."

Dati nang inilalaban ng KMU at mga grupo ng manggagawa ang P750 na umento sa arawang sahod para mailapit ang minimum wage sa family living wage (FLW), o 'yung sahod na kailangan para mabuhay nang disente ang pamilyang may limang miyembro.

Kasalukuyang kasing nasa P1,193/araw ang FLW para sa mga nakatira sa Metro Manila, malayo sa P610 na minimum wage sa ngayon sa National Capital Region (NCR).

Una nang pinalagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at grupo ng mga employer ang panukalang wage hike sa dahilang mahihirapan aniya ang mga maliliit na negosyante rito, bukod pa sa pagbilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin (inflation).

Pero sagot ng mga manggagawa, higit namang mas maraming ine-empleyado sa ngayon ang mga malalaking kumpanya kaysa sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

'Sahod hindi Cha-Cha'

Binabanatan sa ngayon ng mga progresibong grupo ang pagtatalakay ng pagbabago ng 1987 Constitution, bagay na magpapahintulot sa mas malaking pagmamay-ari at pamumuhunang banyaga sa mga lokal na serbisyo, negosyo at industriya. 

Sinabi ng KMU na mas mahalagang unahin ang mga panukalang magpapagaan sa buhay ng karaniwang Pilipino kaysa sa Cha-Cha at dayuhang interes. 

"At para naman sa mismong mastermind ng Cha-cha na si Bongbong Marcos, galaw-galaw naman! Dalawang taon ka na sa pwesto pero wala ka pa ring ginagawa para sa mga manggagawa," dagdag pa ng grupo.

"Gawin mo namang priority ang mga manggagawa, hindi puro pagpapayaman!"

Pagtaas ng sahod habang tinutulungan MSMEs

Sinang-ayunan naman ng grupong Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang pagpapasa ng P100 dagdag sa minimum wage, lalo na't kailangang kailangan daw ito ng mga manggagawa.

Sa kabila nito, aminado ang grupong kulang pa rin ito para matugunan ng karaniwang tao ang mga batayang pangangailangan.

"P100 increase in the minimum wage will help wage earners cope with inflation and high costs of social services," wika ng CTUHR. "While the proposal will result in wage distortion, it will also help even those who earn above the minimum wage."

"While higher than the meager amounts that have been approved by the country’s regional wage boards, a P100 wage increase still falls short of the basic needs of an ordinary family."

Payo pa ng CTUHR, magandang gawing "across-the-board" o i-apply sa buong bansa ang panukalang dagdag sahod upang mapigilan ang wage distortion at alitan sa sweldo.

Mahalaga aniya ang ini-sponsor na panukala ni Sen. Jinggoy Estrada sa ngayon lalo na't bigo raw ang 35-anyos na regional wage boards sa pagbibigay ng agarang kaginhawaan sa mga manggagawa.

Dagdag pa nila, kung gusto ng gobyernong protektahan ang mga MSMEs ay panahon na raw upang babaan ang singil sa kuryente at tubig, ayusin ang mga imprastruktura at solusyunan ang problema sa trapik.

CHARTER CHANGE

DEPARTMENT OF LABOR AND EMPLOYMENT

HOUSE OF REPRESENTATIVES

KILUSANG MAYO UNO

LABOR RIGHTS

SENATE

WAGE HIKE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with