MANILA, Philippines — Patay ang isang senior citizen habang nasa 52 ang sugatan nang bumagsak ang ikalawang palapag ng St. Peter the Apostle Church sa Brgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte City sa Bulacan sa kalagitnaan ng Ash Wednesday Mass, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Luneta Morales, 80, habang dinala ang mga biktima sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, Tala Hospital, Brigino General Hospital, Skyline Hospital, Labrpo Diagnostic Center at Grace General Hospital.
Agad namang rumes-ponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council gaya ng San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management - Sidewalk Clearing Operations Group, City Health Office, at City Disaster Risk Reduction Management Office.
Ayon kay Gina Ayson, hepe ng City Disaster Risk Reduction Management office ng (CSJDM), nangyari ang insidente bandang alas-8:30 ng umaga sa ikalawang palapag ng simbahan kung saan dumagsa ang nagpapapahid ng abo.
May kalumaan at gawa sa kahoy ang ikalawang palapag ng simbahan at hindi kinaya ang dami ng mga nagsisimba.
Dahil dito pansamantalang ipinasara ang simbahan at sasailalim sa inspeksiyon ng city building official. Kailangan munang may clearance sa engineering office at building official kung ligtas pang gamitin ang simbahan.
Tiniyak naman ni Mayor Arthur B. Robes na aayusin at sasagutin ng local government ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng nasugatan sa insidente.
Nabatid naman sa kura paroko ng simbahan na si Father Romulo Perez, inaanay na ang mga kahoy na materyales ng nabanggit na palapag, at hindi nito kinaya ang dami ng dumalo sa misa.
Isa rin sa tinitignang dahilan ay overloading kaya ito nag-collapse.